Life as it happens. Time as it passes.

Gulong Ng Buhay, Gulong Ang Buhay

Alas 10:45 ng gabi. Hinatid ko ang aking mag-ina sa aming bahay. May pupuntahan pa ako ng mga oras na iyon–ang gabihang walking exercise namin kasama ang aming pastor sa kanilang village. Minabuti kong ihatid muna si Cess at Chelsey. Pagod na si Cess sa buong araw na paghahanda sa kanilang graduation sa school, habang si Chelsey nama’y naghahanap na ng tulog sa tamang oras. Minarapat kong ihatid na muna sila.

Pagbaba ng sasakyan, napuna ni Cess na flat na pala ang gulong sa kanang unahan ng sasakyan. Parang kahapon lang noong pinahanginan ko yung gulong na iyon. Naisip kong malamang may butas na ang gulong. Pagkahatid ko sa aking mag-ina, agad akong naghanap ng vulcanizing shop.

Pinalad akong makahanap ng isang shop sa may ‘di kalayuan sa amin–mga dalawang kanto ang layo mula sa aming lugar.

Bukas ang ilaw ng vulcanizing shop, pero walang tao. Inisip kong baka wala na ang bantay. Nagbaka-sakali akong nagtanong sa ale na masarap na kumakain ng burger sa tindahan sa tabi ng shop. Tumama naman ako sa aking hinala–nang tanunging ko ang ale kung bukas pa ang talyer, tinawag niya ang bantay.

Mula sa bus na nakaparada sa kalye, lumabas ang isang payat na binata. Wala siyang pantaas na damit at medyo magulo ang buhok, animo’y hinugot mula sa pagkakahimbing. Mga ilang kamot pa sa mata at mukhang gising na gising na siya.

Ipinakita ko ang gulong ng aking sasakyan, at walang isip-isip na sinabi niyang dapat baklasin ang gulong upang i-vulcanize. Hula niya, may butas na ang gulong.

Matapos ang aking pagsang-ayon, agad siyang tumungo sa likod ng talyer. Paglitaw niya’y bitbit na niya ang sangbatyang gamit para sa gagawin niyang pagremedyo sa butas kong gulong. Mabilis niyang inalis ang gulong mula sa sasakyan. Agad niyang ihinatag ang gulong sa ilalim ng isang aparato upang paghiwalayin ang goma ng gulong at ang mags. Hindi ako mekaniko, pero alam kong kung gaano kakapal at kabigat ang goma ng sasakyan. Sapat na yon para malaman kong hindi madali ang ginagawa ng binata sa gulong na iyon. Pero parang naglalaro lang ng poso ang lalaki sa kanyang paghihiwalay ng goma at mags. Walang limang minuto ay napaghiwalay niya ang mga ito.

Agad niyang tinawag ang aking pansin upang ipakita ang salarin sa butas–isang maliit na turnilyong nakabaon ng higit sa kalahati sa loob ng goma. Sa labas ay hindi mahalatang turnilyo ang nakapasak sa goma. Mistulang hikaw na nakabaon lamang, pero sa loob ay nakatambad ang matalas na bahagi ng turnilyo.

Matapos alisin ang turnilyo, kumuha ang binata ng gomang ipantatakip sa butas mula sa batya. Mga ilang minuto pa ang lumipas bago tuluyan nang naidikit ang gomang ipinantapal sa butas. Matapos pasuin ang pantapal, pinagsama niyang muli ang goma at mags. Mas madali na ang naging proseso ng pagkakabit. Inabot lamang ng kinse minutos ang buong pagvu-vulcanize.

Hindi ko naitanong ang pangalan ng binata, pero base sa tato na nasa kanyang likuran, siya marahil si Jolan. Tinanong ko siya kung magkano ang aking babayaran.

Sitenta pesos.

Inabot ko kay Jolan ang bayad sa kanyang natapos na trabaho.

Magkahalong saya at pagtataka ang aking nadama matapos ang engkuwentrong iyon. Masaya, dahil maayos nang muli ang gulong, at hindi naging magastos ang pagpapaayos. Ngunit mas nangibabaw ang aking pagtataka. Inisip ko kung paano nagpapatuloy ang buhay para sa isang binata na kumikita lamang sa vulcanizing. Kung ikukumpara ko ang regular na kita ng isang empleyado sa kinikita ni Jolan, mababa ang dalawang daang gulong sa isang buwan upang makapares niya sa kita ang isang pangkaraniwang manggagawa. Inisip ko kung ilang noong araw na iyon ang gulong na inayos ni Jolan. Naisip ko rin kung paano kaya sa isang araw na walang kliyente ang kanilang talyer: paano ang kanyang araw-araw na pangangailangan?

Muling tumambad sa akin ang isang katotohanan ng buhay na madalas nawawaglit sa ating diwa tuwing nakikita lamang natin ang ating sarili. Hindi maikakaila na bawat isa ay may hinaharap na uri ng pagsubok. Walang parehong pagsubok sa pagitan ng dalawang tao. Bawat isa’y may krus na dapat pasanin at landas na dapat tahakin. Ang pasan ng isang kagaya ko ay ibang iba sa pasan ng mga tulad ni Jolan. Ngunit sa isang banda, maaaring mas mapalad ang mga kagaya ko na kayang magluwal ng sitenta kada pagawa ng gulong, kumpara sa mga kagaya ni Jolan na umaasa lamang sa kamalasang maaaring maranasan ng isang motorista sa daan. Hindi naman niya pwedeng hilingin na lahat ng gulong sa kalsada ay sawing palad mabutasan, pero hindi rin nanaisin na magutom at mawalan ng kita. Ito ang magkabilang katotohanan ng buhay ng mga kagaya ni Jolan, na bagaman simple ang antas ng kanilang kalagayan sa buhay, ay hindi maikukumpara sa isang kagaya ko na, sa huli, ay may pantay at parehong bahagi sa mga pagsubok ng buhay.

Para sa mga kagaya ni Jolan, simple lang ang mundo. Binubuo ito ng mga yugto na kadalasa’y pare-pareho kada araw na lilipas–mag-abang, magtrabaho, kumita, mabuhay. Ang iba;y naghihintay sa likod ng lamesa–ang iba’y nag-aabang sa tabi ng kalsada. Ang iba’y nakikipagsapalaran sa mga tao–ang iba nama’y sa mga gulong na nauubusan ng hangin. Karamihan sa ati’y panay ang parito’t paroon para mabuhay–sa mga kagaya ni Jolan, sila’y humihimpil sa isang bahagi ng lansangan, naghihintay sa mga taong parito’t paroon.

Para sa iba, ang buhay ay parang gulong.

Para kay Jolan, gulong ang kanyang buhay.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s