Life as it happens. Time as it passes.

Posts tagged “Gilas Pilipinas

ISANG HULING LABAN

b_lud7scjumdtqlnytizmw_9009950878264B18AD54F48354F65911

Matapos payukuin ang ilang dosenang kalaban sa nagdaang mga linggo, nakarating na ang Gilas Pilipinas sa kanilang huling laban–ang laban na magbibigay sa kanila ng pagkakataong itanghal ang ating bansa sa nalalapit na Olympic Games sa Rio De Janeiro sa susunod na taon.

At ang kanilang kalaban ay walang iba kundi ang mga Tsinong basketbolista.

Hindi kaila ang mga hamon na nagbabadya sa ating mga kababayang manlalaro na sasabak mamayang gabi. Bukod sa katotohonang pinaghandaang mabuti ng Tsina ang torneyong ito upang matiyak ang kanilang representasyon sa Olympics sa 2016, ang bakbakan ay magaganap mismo sa kanilang sariling bakuran. Aasahang dadagundong ang bulwagan ng paglalabanan ng Pilipinas at Tsina sa mga hiyawan at sigawan ng mga Tsino para sa kanilang mga kababayan. Kumpara sa kanila, tila langgam na pwedeng paglaruan ng tipaklong ang ating mga kinatawan.

Matikas at mabilis ang mga Tsinong lalaro mamayang gabi kontra sa ating mga manlalaro. Kaya nilang makipagsabayan sa gilas ng Gilas, kung tulin at liksi ang pag uusapan. May NBA player din sila sa katauhan ni Yi Jianlian ng Milwaukee Bucks. At sa halos lahat ng mga nagdaang edisyon ng torneyo ng Olympics, ang Tsina ang namamayagpag na kinatawan ng Asya.

Sa pagsabak ng Gilas mamayang gabi, dala nila ang mga hinanakit ng mga nagdaang liga ng manlalaro na bigong makapasok sa Olympics simula 1976. Kapanahunan pa nila dating senador Robert Jaworski at Freddie Webb ng ang Pilipinas ay huling nakalahok sa Olympics. Ngayong taon lang muling nakalapit ng ganito ang ating bansa na makatikim ng tagumpay na maghahatid sa kanila sa prestihiyosong paligsahan ng mundo.

Subalit hindi kasing dali ng pagpitas ng bunga ang pagsungkit sa gintong medalya sa FIBA Asia Championships. Lalo pa’t ikaw ay lalaro mismo sa lugar ng iyong katunggali.

Isang laban na lang ang nalalabi. Isang laban na lang mula sa ating matagal ng asam na tagumpay.

Isang laban kung saan PUSO ang kailangan.

Tiyak na ibibigay ng Pilipinas ang lahat ng kanilang hawak at tangan sa laban mamayang gabi. Ibubuwis na ang buhay sa laban na ito, makamit lang ang pinakamimithi. Higit sa taktika sa sahig, talas ng isip, at liksi at lakas, PUSO ang siyang magiging pangunahing sandata ng ating hukbo na sasabak sa labang ito.

Walang dudang mamaliitin at tutuyain sa labanan mamayang gabi ang ating mga manlalaro. Subalit gaya ng sinumang inaapi at nililibak, hindi nga ba’t ang bida ay bumabangon at bumabawi? At mamayang gabi, may pagkakataon ang Gilas Pilipinas na ibawi ang mga ginaping koponan ng bansa ng mahigit apat na dekada, itaas ang bandila sa tagumpay, at muling pag-isahin ang mga puso ng mga mamamayan sa pagbubunyi na, sa wakas, nanalong muli tayo.

Isang huling laban. Laban Gilas Pilipinas.

#PUSO